Monday, April 28, 2014

S.P.E.S. Orientation, Isinagawa ng IIPESO Office








Isinagawa ng Information, Investment Promotions & Employment Services Office (IIPESO) sa pakikipagtulungan ng Department of Labor & Employment (DOLE- Region IV-A) ang Orientation program para sa mahigit na pitong daang (700) mag-aaral na beneficiaries ng Special Program for the Employment of Students (S.P.E.S.) at ng Special Program for the Employment of Disabled Students (S.P.E.D.) para naman sa mga mag-aaral na may mga kapansanan. Ang Orientation program ay dinaluhan nina Mayor Justin Marc SB. Chipeco, Vice Mayor Roseller H. Rizal, City Councilors Santiago Atienza, Ruth Mariano Hernandez at Ma. Virginia Alcasid at DOLE- Region IV-A Senior Officer Mrs. Malabanan, na pinangasiwaan naman ng IIPESO Office sa pangunguna ni IIPESO Department Head Mr. Peter C. Capitan na ginanap sa L.L.C. Auditorium ng Calamba Elementary School noong Abril 22, 2014.
Nagbigay ng kani- kanilang mensahe sina Mayor Chipeco, Vice Mayor Rizal at mga City Councilors na dumalo sa programa. Ayon kay Mayor Chipeco, marapat lamang na huwag sayangin ng mga kabataan ang mga pagkakataon na nagkakaroon ng ganitong programa ang pamahalaan na malaki ang kanilang maitutulong para sa kanilang mga magulang sa  kanilang mga gastusin sa pag-aaral kaysa nasa bahay lamang sa panahon ng bakasyon. Sinabi rin ni Mayor Chipeco sa kanyang mensahe na sinisikap ng Pamahalaang Panlungsod na makapagbigay ng serbisyo para sa mga mamamayan kung kaya naman ay patuloy na isinasagawa ang Serbisyo Caravan sa mga barangay ng lungsod dahil hangad niya na mapaayos at mapaganda ang lungsod. Ayon naman kay Vice Mayor Rizal, na ang tagumpay ay makakamit ng mga kabataan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pangarap at ito ay naaayon sa kanilang pagsisikap na makamit ito. Nagbahagi rin ng kani- kanilang mensahe ng tagumpay ang mga dating beneficiaries ng SPES/ SPED program upang mabigyan ng inspirasyon ang mga bagong beneficiaries.
Ayon naman kay DOLE- Region IV-A Senior Officer Mrs. Malabanan, mapalad ang mga Calambeňo dahil ang Pamahalaang Panlungsod ng Calamba ay pinaka- supportive sa mga programa at proyekto na tulad nito na ang higit na nakikinabang ay ang mga mamamayan. Binigyan pansin naman ni IIPESO Department Head Mr. Peter Capitan sa kanyang mensahe ang mga SPES Program duties & responsibilities, salaries briefing para sa kaalaman ng mga mag-aaral at magulang.
Ang Special Program for the Employment of Students (S.P.E.S.) at ang Special Program for the Employment of Disabled Students (S.P.E.D.) ay programa para sa mga mag-aaral na magkaroon “Summer Jobs” tuwing bakasyon na ang kanilang magiging salary rito ay makakatulong naman sa kanilang mga magulang sa kanilang mga gastusin sa kanilang pag-aaral. Ang programang ito ay isinakatuparan sa pakikipagtulungan ng IIPESO Office at DOLE- Region IV-A sa pagsuporta nina Mayor Justin Marc SB. Chipeco, Vice Mayor Roseller H. Rizal at Laguna 2nd District Congressman Joaquin M. Chipeco, Jr.
(LOUIE LANDICHO/ www.facebook.com/calambacityinformationoffice).

No comments:

Post a Comment